TUGUEGARAO CITY-Nahukay ng kasundaluhan ang bangkay ng isang dating estudyante ng Cagayan State University (CSU) na umanib sa New Peoples Army (NPA) at inilibing ng kanyang mga kasamahan sa bayan ng Baggao.
Ayon kay Major Jekyll Julian Dulawan, tagapagsalita ng 5th Infantry Division Philippine Army, nakilala ang narekober na bangkay na si Justin Bautista “Ka Aira”, dating medical officer at Political Guide ng Northern Front Komiteng Rehiyon ng Cagayan valley.
Aniya, isa sa mga kasamahan ni Ka Aira ang sumuko sa pamahalaan, na siyang nagturo na kanilang inilibing si Ka Aira sa Sitio Kapanisuwan Barangay Bitag Grande nang mamatay sa matapos nilang maka-engkwentro ang tropa ng pamahalaan noong 2017 sa Brgy. San Jose.
Sinabi ni Dulawan na bago umanib sa makakaliwang grupo si Ka Aira ay naging miembro ng Kabataan at College Editors Guild of the Philippines.
Kumander din umano ng NPA ang ama ni “Ka Aira” na nakilalang si Ka Simoy na umiikot din sa Cagayan Valley.
Kasalukuyan namang inaalam ng kasundaluhan kung saang campus ng CSU nag-aral si Ka Aira, kung ilang taon na ito at kung ilang taon siyang umanib sa makakaliwang grupo.
Sa ngayon,nasa regional crime laboratory office ang labi ni Ka Aira para sa karagdagang pagsisiyasat ng mga otoridad.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Dulawan sa mga nananatiling aktibong miembro ng NPA na sumuko na sa pamahalaan dahil nakahanda naman ang gobyerno na sila’y tulungan para muling bumangaon at ng tahimik.
Samantala,sinabi ni Dulawan na batay sa pahayag ng mga dating kasamahan ni KA Aira, marami pa umano silang inilibing na kanilang mga kasamahan sa kabundukan sa iba’t-ibang parte ng Cagayan kung kaya’t ito ang kanilang hinahanap.