Natagpuan ng mga awtoridad ang naaagnas na bangkay ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay San Sebastian, Lagonoy, Camarines Sur, ayon sa Philippine Army.

Nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng 83rd Infantry (Matikas) Battalion at Philippine National Police noong Pebrero 5.

Dakong alas-6 ng umaga nang makarekober ang tropa ng isang M16 rifle, M203 grenade launcher, tatlong magazine, at isang ilegal na landmine.

Makalipas ang dalawang oras, natagpuan ang bangkay na hinihinalang iniwan ng mga kasamahan nito matapos ang engkuwentro noong Disyembre 23 sa Barangay Burabud, kung saan limang NPA ang napatay.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nasawi, habang nagpapatuloy ang follow-up operations laban sa iba pang miyembro ng NPA.

-- ADVERTISEMENT --