Natagpuan na ang bangkay ng isang construction worker na napabalitaang nalunod sa Cagayan River sa bahagi ng Centro North East ng Solana, Cagayan.

Ayon kay Don Enrickson Orje, ang hepe ng MDRRMO Enrile, bandang 1:20 ng hapon ngayong araw, Nobyembre 28, nang matagpuan ang bangkay ng biktima.

Batay sa impormasyon, habang isinasagawa aniya ang search and rescue operation, nakatanggap sila ng tawag ukol sa isang bangkay na palutang-lutang sa tubig.

Agad na nagtungo umano ang mga personnel sa nasabing lugar kung saan nakita ang bangkay bandang 10:41 ng umaga sa bahagi ng Buntun Bridge sa Solana, malapit sa ginagawang Steel Bridge.

Ayon kay Orje, habang papalapit ang palutang-lutang na bangkay sa Steel Bridge sa Solana, agad itong kinuha ng mga rescuers at dito na nakumpirma na ang bangkay ay isang lalaki at siya ngaang construction worker na nalunod sa Cagayan River sa bahagi ng bayan ng Enrile nitong Martes ng umaga.

-- ADVERTISEMENT --

Maalala na nagkayayaan umano ang biktima na si Jaypee Valderama, 34-anyos, residente ng Brgy. Fugu, Ballesteros at dalawang kasama nitong construction worker na maligo sa ilog matapos mag-inuman sa kanilang bunk house.

Nagpaalam pa umano ang biktima sa kanyang foreman sa pamamagitan ng text na hindi makakapasok nang araw na iyon dahil sa ito ay maysakit ngunit bandang alas 11:00 ng umaga nang nadatnan nito ang tatlo na naliligo sa ilog na nasa impluwensiya ng alak.

Agad namang pinaahon ng foreman ang mga ito subalit muling lumangoy ang biktima at natangay ng malakas na agos ng tubig.

Sinubukan pang iligtas ng mga kasamahan nito ang biktima subalit nabigo ang mga ito hanggang sa bigla na lamang nawala.