Narecover ng mga awtoridad ang bangkay ng isang lalaki sa ilog malapit sa steel bridge ng Solana, Cagayan nitong Linggo ng umaga.

Ayon kay Maria Gloria Pagalilauan, head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Solana, bandang alas-9:30 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang PNP mula sa isang mangingisda na may palutang-lutang na cadaver sa lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PNP at tumawag sa MDRRMO Solana upang ihanda ang kanilang rescue team at mga floating asset.

Sa pagitan ng alas-9:40 hanggang alas-10:00 ng umaga, matagumpay na na-retrieve ang katawan at naidala sa pampang ng ilog.

Tinatayang dalawang oras pa lamang itong nakalutang sa tubig, dahil kapansin-pansing “fresh” pa ang kondisyon nito.

-- ADVERTISEMENT --

Agad namang nagbigay ng abiso ang alkalde ng bayan at inirekomendang dalhin ang bangkay sa isang funeral parlor para maayos itong maimbalsamo habang wala pang nagke-claim na pamilya o kamag-anak.

Nagbigay rin ang MDRRMO Solana ng impormasyon sa mga karatig-bayan at nagsumite ng kaukulang report sa Office of Civil Defense (OCD).

Dakong alas-3:00 ng hapon, may lumutang na kaanak mula sa Barangay Rio del Grande, Enrile, na kumilala sa bangkay at kinumpirmang isa itong nawawalang miyembro ng kanilang pamilya.

Agad itong isinama pauwi ng mga kaanak para sa nararapat na pagpapalibing.

Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ingat lalo na sa mga baybaying-ilog, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.