Isinailalim sa autopsy upang malaman ang dahilan ng pagkasawi ng isang lalaking natagpuan na nakasilid sa septic tank sa Brgy. Baliwag, Peñablanca, Cagayan.

Sa panayam kay PMAJ Harold Ocfemia, hepe ng PNP Penablanca, unang nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may grupong umaaligid at pagala-gala sa nasabing barangay kaya’t agad silang nagsagawa ng verification at pagkarating sa lugar ay lumapit umano ang barangay kagawad na si Alyas Ron at niyaya ang mga pulis sa residential lot ng isang Alyas Marie.

Itinuro aniya ng barangay kagawad ang pinagsilidan sa bangkay ng biktimang si Alyas John, 20 anyos, helper at residente ng Brgy. Parabba dahil bago ang pagdating ng mga pulis ay itinuro umano ng isa sa mga person of interest ang kinaroroonan nito na malapit sa likod ng babuyan.

Kaugnay nito ay agad na nagsagawa ng man hunt operation ang pulisya at natukoy at nahuli naman ang isa sa mga person of interest na si Alyas Vin, 31 anyos at residente sa lugar ngunit nang isailalim sa interogasyon ay limitado naman ang ibinigay na impormasyon at ayaw magsalita.

Tanging ang sinabi lamang aniya ni Alyas Vin ay may tatlong katao na gumawa at may utak sa pagpatay sa biktima na mayroon namang nakitang sugat sa kanang bahagi ng kanyang ulo na hinihinalang pinalo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay wala pang malinaw na dahilan kung bakit pinatay ang nasabing biktima kaya’t nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad habang hinahanap din ang iba pang itinuturong salarin ng nahuling person of interest.

Nabatid na ang person of interest at ang biktimang nasawi ay kapwa nagtatrabaho sa farm ni Alyas Marie.