Natagpuan ang bangkay ng nawawalang 31-anyos na motorcycle taxi rider sa isang construction site sa Barangay San Gabriel, General Mariano Alvarez, Cavite noong Hulyo 11.
Ayon sa ulat, huling nakita ang biktima noong Hunyo 24, at sa tulong ng GPS tracker ng kanyang motorsiklo, natunton ng mga awtoridad ang lugar kung saan siya inilibing.
Naghinala ang mga pulis nang magtakbuhan ang ilang trabahador sa lugar, kaya’t agad silang nagsagawa ng imbestigasyon.
Matapos humingi ng pahintulot sa may-ari ng construction company, nagsagawa ng paghuhukay ang mga otoridad gamit ang isang backhoe, kung saan tumambad ang bangkay ng biktima na nagtamo ng mga saksak.
Isa sa mga pangunahing motibong tinitingnan sa krimen ay ang isyu ng selos, matapos matukoy na isa sa mga huling kasama ng biktima ay ang foreman ng site na siya ring dating live-in partner ng kasalukuyang kinakasama ng biktima.
Base sa imbestigasyon, nakita sa CCTV na ang naturang foreman ang angkas ng biktima bago ito mawala.
Siya ngayon ay kabilang sa mahigit dalawang person of interest na tinututukan ng pulisya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng krimen at mahuli ang mga nasa likod nito.