Nakitang nakasabit sa kawayan ang katawan ng treasurer ng Barangay Karagawan, Kabugao na isa sa mga nasawi sa Apayao dahil sa pagbaha, matapos tangayin ng rumaragasang tubig mula sa ilog noong madaling araw ng November 7.
Ayon kay PLT Ana Marie Lopez, hepe ng Kabugao-PNP, natagpuan ng kanyang mga kaanak ang naaagnas na bangkay ng biktimang si James Carag sa di kalayuan sa kanilang bahay, matapos ang dalawang araw na paghahanap.
Sinabi ni Lopez na nakita ang bangkay nang humupa ang tubig baha mula sa Karagawan river na naipit sa kawayan.
Sa ngayon, tatlo na ang naitalang patay samantalang tatlong iba pa ang sugatan sa malawakang pagbaha sa lalawigan.