Inaasahan na maghahain ng subpoena ang impeachment prosecutors sa Kamara para sa bank at iba pang financial records ni Vice President Sara Duterte upang lalo pang mapalakas ang kaso laban sa kanya at makakuha ng conviction, sa sandaling mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, isa sa impeachment prosecutor, isa ito sa legal options na tinalakay ng 11-member prosecution team para palakasin ang kaso laban kay Duterte.

Binigyang-diin ni Chua na nakasaad sa bank secrecy law ang exception para sa impeachment cases at plano nila na gamitin ang lahat ng legal na paraan para makakuha ng mahahalagang dokumento, bilang dagdag sa hawak na nilang mga ebidensiya, na makakatulong sa paglilitis.

Sinabi ni Chua na naghahanda na sila para sa paglilitis bagamat sinabi ni Senate President Francis Escudero na pormal na masisimulan ang proseso ng impeachment pagkatapos ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa buwan ng Hulyo.

Matatandaan na naging laman ng pagdinig sa Kamara ang bank accounts ni Duterte maging ang sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ayon kay dating Senator Antonio Trillanes ay naglalaman ng malalaking halaga ng pera na umaabot umano sa bilyong-bilyong piso na umano’y mula sa kaduda-dudang sources.

-- ADVERTISEMENT --