
Umarangkada na ang huling pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang opening remarks, binigyang-diin ni Justice Committee Chairperson Gerville Luistro na ang nakalipas na proceedings ay punung-puno ng numero kung saan hindi opinyon at haka-haka ang nangibabaw kundi official records.
Nabatid aniya na wala ni singkong cash on hand o cash deposits na idineklara si VP Sara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN, bagay na kung biro ay hindi nakakatawa.
Muli ring binanatan ni Luistro ang kampo ni Duterte na nagpahayag sa publiko na mag-ingat, ag ipinuntong ito ay tila isang babala at walang malasakit.
Sagot ng kongresista, kung pinag-iingat ng bise-presidente ang mamamayan, dapat ay magpakatotoo rin.
Samantala, nanindigan naman ang pinuno ng Justice panel na hindi maaaring gamitin ang bank secrecy law para magtago sa di maipaliwanag na yaman.
Ang layunin umano ng bank secrecy ay protektahan ang lehitimong deposito at hindi pagtakpan ang kahina-hinalang galaw ng bilyun-bilyong piso.




