
Nagtaas ng alerto ang mga bansa sa Asya matapos ang outbreak ng Nipah virus sa West Bengal, India, kung saan may ilang kumpirmadong kaso at halos 100 katao ang isinailalim sa quarantine habang sinusubaybayan at nililimitahan ng mga awtoridad ang pagkalat ng sakit.
Ang Nipah virus ay isang zoonotic disease na wala pang tiyak na bakuna o lunas at may mataas na fatality rate na dahilan ng pagpapaigting ng Thailand, Nepal, at iba pang bansa ng health screening sa mga international airport at border checkpoints.
Ang virus na ito ay natural na dala ng mga paniki bilang primary host. Maaaring mahawa ang tao sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga apektadong hayop, tulad ng baboy, kabayo, kambing, tupa, pusa, aso, at lalo na sa pagkonsumo ng kontaminadong pagkain.
Ang mga unang sintomas nito ay kagaya ng karaniwang sakit o karamdaman, gaya ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng lalamunan, ubo, at hirap sa paghinga, kaya hindi to agad madaling matukoy.
Sa malulubhang kaso naman, maaaring magdulot ang virus ng encephalitis o pamamaga ng utak na maaaring humantong sa pagkalito, kombulsyon, coma, pangmatagalang pinsala sa nervous system, at maging kamatayan.
Bagama’t hindi na bago ang Nipah virus sa Pilipinas ayon sa Department of Health, nananatiling nakaalerto ang mga health expert at patuloy ang paalala sa mga biyahero na agad magpatingin sa doktor sakaling makaranas ng sintomas matapos bumiyahe mula sa mga apektadong lugar.










