
Mayroon ng impormasyon ang mga otoridad sa pinagtataguan ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag.
Sinabi ni BuCor director general Gregorio Catapang na mayroon silang impormasyon na nagtatago si Bantag sa Kalinga at ito ay pinoprotektahan ng kaniyang ka-Tribu.
Labis lamang silang nag-iingat dahil sa magdudulot ng malaking banta sa seguridad ang pag-aresto dito.
Sa bawat tribu aniya ay kahit na may mali ka o tama ka ay ikaw ay poprotektahan nila kaya labis na nag-iingat ang mga otoridad para maiwasan ang anumang madugong kumprontasyon.
Para maiwasan ang anumang pakikipaglaban sa tribu ay kumukuha lamang ng tiyempo ang mga otoridad na arestuhin si Bantag sa mga isolated na lugar.
Magugunitang inakusahan si Bantag na siya ang mastermind sa pagpatay sa broacaster na si Percy Lapid noong 2022.
Itinuro ng naarestong gunman si Jun Villamor na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) bilang middleman sa pagpatay at matapos ang ilang araw ay natagpuang patay si Villamor sa NBP.









