
Binigyan diin ng Bantay Bigas na hindi amienda sa halip ay tuluyan nang ibasura ang Rice Tarrification Law.
Sinabi ni Cathy Estavillo ng nasabing grupo na halos wala namang pagbabago sa gagawing amyenda sa nasabing batas dahil ang tanging balak ay ibabalik ang mandato ng National Food Authority na magbenta ng mababang presyo ng bigas sa merkado.
Subalit, iginiit ni Estavillo na hindi sapat ang pag-amienda sa RTL dahil nangangahulugan na magpapatuloy pa rin ang pagbaha ng mga imported na bigas sa bansa.
Duda din siya na sa maisasakatuparan ang sinasabi na abot kaya na presyo ng bigas hangga’t patuloy ang malakihang importasyon ng bigas.
Sinabi niya na ang kailangang gawin ng mga mambabatas at pamahalaan ay gumawa ng mga polisiya na higit na makakatulong sa mga magsasaka sa bansa upang mapalakas ang local production sa halip na umasa sa importasyon para sa hangarin na food self-sufficiency.
Idinagdag pa niya na higit na kailangan ngayon ng mga magsasaka ang mga tulong mula sa pamahalaan dahil malaking bahagi na ng mga sakahan ang apektado ng El Niño phenomenon.
Ayon sa kanya, bukod sa short term na tulong sa mga ito ay kailangan din ang pangmatagalang solusyon tulad na lamang ng pagpapatigil ng land conversion sa mga sakahan, pagsasaayos sa mga dams , irrigation canals at pagbibigay sa kanila ng sapat na mga makinarya.




