TUGUEGARAO CITY-Muling ipapanawagan ng grupong Bantay Bigas ang pagbibigay prioridad sa mga magsasaka para makapag-produce ng mas maraming produkto at maibsan ang nararanasang matinding kagutuman sa bansa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Cathy Estabillo ng Bantay Bigas, magtutungo bukas, araw ng Lunes ang malaking grupo ng mga magsasaka sa kalakhang Maynila kasabay ng State of the nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte para magsagawa ng kilos protesta at ihayag ang kanilang pagnanais na mabigyan ang kanilang grupo ng mas malaking pondo.
Aniya, sa kabila nang nararanasang kagutuman ng nasa 4.2 milyong pamilya sa bansa ay binabalewala umano ng administrasyong Duterte ang mga pangangailangan ng mga magsasaka lalo na sa usaping fertilizer na umaabot na ngayon ng mahigit isang libong piso kada sako.
Sinabi ni Estabillo na sa halip na tutukan ang produksyon, ay importasyon ang inuuna ng pamahalaan na hindi naman nakakatulong sa publiko.
Inihalimbawa ni Estabillo ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Law na ang layunin ay mapababa ang presyo ng bigas sa merkado pero hanggang ngayon ay mataas pa rin ang halaga ng isang kilo ng bigas sa mga pamilihan na mas lalong nagpahirap sa mga magsasaka at taong bayan.
Sa ganitong hakbang, sinabi ni Estabillo na mas lalong pinapayaman ng bansa ang mga importers dahil sa halip na tulungan ang produksyon ng local na produkto ng mga magsasaka ay inuuna ang pag-angkat ng Pilipinas sa produkto ng ibang bansa.
Bukod dito, muli ring igiginit ng grupo ang karapatan ng mga magsasaka sa mga lupaing inaangkin at inaagaw mula sa kanila na matagal nang sinasaka at tinatamnan.
Muling ring kakalampagin ng kanilang grupo ang opisina ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) para bigyan ng prioridad ang mga nanghihingalong magsasaka na nangngailangan ng tulong lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Marami na rin umano sa mga magsasaka ang pinipiling isinasanla ang kanilang mga lupang sinasaka dahil sa mataas na halaga ng produksyon ngunit mababang pagbili sa kanilang mga produkto.
Dahil dito, umaasa ang grupo na bago matapos ang termino ng Administrasyong Duterte ay pakikinggan ang kanilang panawagan para maiangat ang buhay ng mga magsasaka sa bansa.