Umapela ang grupo ng Bantay Bigas sa pamahalaan na solusyonan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa na nakakadagdag sa pasanin ng publiko.
Ayon kay Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupo, hindi makatarungan na walang ginagawang hakbang ang gobyerno upang maibsan ang epekto nito sa publiko lalo na at apektado ang presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo.
Aniya, kung gugustuhin ng pamahalaan ay maaari nilang suspindihin ang pagpapataw ng excise tax, vat at pagpatupad ng price control na malaking tulong sa mga mamamayan ng bansa.
Kaugnay nito ay inihalimbawa niya ang sitwasyon ng mga magsasaka sa bansa na gumagamit ng mga farm machineries na nangangailangan ng krudo o gasolina ngunit sa panahon ng anihan ay napaka baba naman ng presyo ng kanilang mga produkto.
Dagdag pasanin aniya ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at idagdag pa ang napakamahal na presyo ng abono.
Inihayag ni Estabillo na marami na sa mga magsasaka ang nag-aani ngayon ng kanilang mga palay ngunit kasabay nito ay may pagbaba nanaman sa presyo kung saan sa kanilang monitoring ay may mga lugar na umaabot lamang ng hanggang P12.00 lamang ang pagbili ng palay.
Kung idadagdag pa aniya ang transportation cost mula sa pagluluwas sa mga bukid patungong bayan kung saan ibebenta ang mga mga produkto ay makikita ang labis nilang pagkalugi.
Ipinunto din niya na hindi rin sapat ang ayuda o fuel subsidy na ibinibigay ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng mais dahil mas mataas pa rin naman ang kanilang production cost kumpara sa kanilang kita.
Umaasa si Estabillo na sa kabila ng mga panawagan ay makakagawa ng mabilisang hakbang ang pamahalaan na makatutulong sa taong bayan.