TUGUEGARAO CITY – Siniguro ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mahaharap sa kaukulang kaso ang mga barangay captain na bigong maglabas ng mga pangalan na kabilang sa mga mabibigyan ng tulong pinansyal sa ilalim ng programang Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Provincial Director Ruperto Maribbay ng DILG-Cagayan, kahapon , April 21, 2020 ay ibinaba na nila ang kautusan sa lahat ng mga barangay sa Cagayan na dapat ay ipaskil ng mga barangay officials ang listahan ng mga pangalan na bineripika ng DSWD.
Aniya, malaking tulong ang nasabing hakbang para maberipika ng maayos ang mga kwalipikadong residente at maitama kung sakali na may nakalusot na hindi dapat na makatanggap ng tulong .
Mahaharap naman sa administrative sanction ang mga barangay captain na bigong ipaskil ang mga listahan ng mga benipesaryo dahil ikinokonsidera na itong public document.
Kung sakali naman aniya na nakuha na ng benipisaryo ang pera at napatunayang hindi ito kwalipikado , ang barangay captain na ang may responsibilidad dahil kailangan itong maibalik.
Ngunit, kung nagastos o naibili na ng residente ang pera , sagot na umano ito ng Barangay at LGU , basta ang importante ay maibalik ang pera at maibigay sa nararapat na benipisaryo.
Agad namang tatanggalin sa listahan ang mga hindi nararapapat sa naturang ayuda at muling magsasagawa ng beripikasyon para maibigay lamang sa karapat dapat na pamilya ang tulong pinansyal.
Samantala, maari ring maharap sa kaukulang kaso ang mga residente na mapapatunayang nagsinungaling sa ibinigay na impormasyon sa form na una ng ibinigay ng DSWD.