Arestado ang isang barangay kagawad na itinuturing na High Value Target (HVT) matapos masamsaman ng droga, baril at mga bala sa bayan ng Gattaran, Cagayan.
Ito ay matapos na isilbi ng mga otoridad ang search warrant na inilabas ng korte laban sa hindi na pinangalanang suspek.
Ayon kay Agent Salvacio Dela Cruz, tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2, magatal minanmanan ang iligal na aktibidad ng suspek at hindi pa siya naihahalal bilang barangay kagawad ay binabantayan na ang kilos nito.
Nakumpiska sa loob ng bahay nito ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na limang gramo at nagkakahalaga ng P34k, apat na bala ng caliber 45 na baril at isang unit ng caliber 22 riffle.
Inihayag ni Salvacion na batay sa imbestigasyon ay kinukuha umano ng suspek ang kanyang mga ibinebentang droga sa lungsod ng Tuguegarao at siya naman ang nagsisilbing supplier sa kanilang lugar.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa pagsasampa ng mga kaukulang kaso.