Dead on the spot ang isang Barangay Kagawad habang sugatan ang isa nang sumabog ang nilagari nilang unexploded ordnance (UXO) o pampasabog sa Almaguer South, Bambang, Nueva Vizcaya.
Ayon kay PMaj Novalyn Aggasid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, nahukay umano ng 42- anyos na Kagawad ng Baan, Aritao na isang contractor mula sa isang project site sa San Antonio North, Bambang ang ‘Unidentified Ordnance’.
Kasama ang 33-anyos na tauhan niya mula Nueva Ecija ay dinala nila ito sa Almaguer South sa paniniwalang may lamang ginto.
Gayunman, habang nilalagari ay bigla itong sumabog na inakala ng mga residente ay tangke ng gasul o transformer ang sumabog.
Nagkalasog-lasog ang katawan ng dalawang biktima kung saan hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang Kagawad habang ang kasama nito ay nasa intensive care sa Region II Trauma and Medical Center dahil sa malubhang sugat na tinamo.
Samantala, sinusuri na ng Provincial Explosives and Canine Unit (PECU) ang natirang bahagi ng sumabog upang matukoy kung ano ang nilagari ng dalawa.
Pinayuhan naman ni Agassid ang mga residente na huwag gagalawin kung may mahukay na bomba o pampasabog sa halip ay agad ipaalam ito sa pulisya dahil maaari pang sumabog ito.