Dead on arrival sa pagamutan ang isang Barangay Kagawad matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Brgy. Bagumbayan Tuao, Cagayan.
Kinilala ang bitkima na si Wilfredo Soriano, 62-anyos at residente sa nabangit na barangay.
Ayon kay PSSGT. Wilson Pascua ng PNP Tuao, galing ng Barangay Centro, Tuao ang biktima at pauwi na sa kanilang bahay sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin siya ng dalawang lalaking lulan din ng isang motorsiklo.
Agad namang tumakas ang dalawang nakamotorsiklong suspek sa kabila ng ipinagbabawal ang riding in tandem sa ilalim ng general community quarantine.
Dalawang slug ng kalibre 45 na baril ang narekober mula sa pinangyarihan ng insidente.
Inaalam pa ang posibleng motibo sa krimen at kung may kaugnayan ito sa kanyang trabaho bilang barangay kagawad na dati nang nakatanggap ng banta sa kanyang buhay.
Samantala, arestado naman ang 4 na katao dahil sa aktong pagnanakaw ng gasolina sa isang construction company sa Brgy. Barancuag, Tuao.
Kinilala ang apat na sina Winsly Sedano, 31, Wally Calueng, 40, Alberto Reyes Jr., 34 at Jerwin Tabli, 31 pawang mga residente sa nasabing bayan.
Sinabi ni Pascua na nakita ng isang kasamahan nilang nagtatrabaho rin sa kumpanyang pagmamay-ari Engr. Ronel Fernandez na sinisipsip nila ang gasolina ng mga truck at inilalagay sa container.
Napag-alaman din aniya sa pagsisiyasat na ibinebenta ng mga suspek ang ninanakaw na gasolina.
Sa ngayon ay nahaharap ang 4 sa kasong paglabag sa PD 1612 o Anti-fencing law at qualified theft.