Patay ang isang barangay kagawad matapos tambangan at pagbabarilin sa bahagi ng Brgy. Palca, Tuao, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Rodrigo Dupitas, 58-anyos ng Brgy. Angang, Tuao.

Ayon kay Angang Barangay Captain Rogelio Villaga, galing umano sa palengke ang biktima kasama ang kanyang asawa at pauwi na sana ang mga ito sakay ng kanilang kolong-kolong nang mangyari ang pamamaril.

Aniya, batay sa inisyal na impormasyong naririnig mula sa mga nakakitang indibidwal ay lulan umano ng motorsiklo ang dalawang indibidwal na bumaril-patay sa suspek at nagtamo aniya ng dalawang tama ng bala ng baril ang biktima sa kanyang ulo at sa leeg.

Blangko naman ang opisyal sa posibleng dahilan ng pamamaril sa biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, wala naman siyang nakikita na kaaway si Kagawad Dupitas at aktibo naman aniya ito sa pagtupad ng tungkulin sa kanilang barangay.

Nagsasagawa na ang kapulisan ng malalimang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaril at malaman ang pagkakakilanlan ng mga salarin.