Plano ng barangay captain ng Brgy. Quibal, Peñablanca na magtalaga ng mga barangay officials o tanod na magbabantay sa Callao cave lalo na ngayong panahon ng Semana Santa.
Ayon kay Ferdinand Danao, ito ay para mapanatili ang kaayusan at kalinisan ng kweba kasunod ng inaasahang pagdagsa ng mga turista sa lugar.
Bukod dito, sinabi ni Danao na plano rin nila na maglagay ng ilaw sa loob ng kweba dahil nasira na umano ang mga ito matapos ang pagsalanta ng mga magkakasunod na bagyo sa lalawigan.
Matatandaan, naging laman ng balita ang nasabing kweba nitong mga nakalipas na araw matapos mahukay ang buto at ngipin ng mga sinaunang tao na kung tawagin ay Homo luzonensis na pinaniniwalaang nabuhay 67,000 taon ang nakalipas.