Tuguegarao City- Isinailalim na sa total lockdown ang Barangay Remu sa bayan ng Baggao matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) region 2 ang isang panibagong kaso ng confirmed COVID-19 patient sa lalawigan ng Cagayan.

Maalalang pormal na inianunsyo ng DOH na isang 60 anyos na lalaki mula sa nasabing lugar ang naadmit sa CVMC noong Abril 24 matapos makitaan ng mga sintomas at nagpositibo sa sakit.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Joanne Dunuan, nagsagawa na ng contact tracing ang Municipal Anti-COVID Task Force ng Baggao upang matukoy ang mga nakasalamuha ng pasyente.

Ayon sa alkalde, una aniyang nagpapaani ng palay sa bukid ang pasyente ng bigla itong himatayin kung saan agad namang tunulungan ng kanyang mga kasamahan at mga barangay tanod.

Dagdag dito ay nabatid pa na isang negosyante at nagtitinda ng mga karneng baboy sa palengke ang pasyente.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Dunuan na wala itong travel history ngunit isa sa tinitignang posibilidad ng pagkakaroon nito ng virus ay maaaring nahawa dahil sa iba’t-ibang mga taong nakakasalamuha nito sa palengke.

Sa ngayon ay ipinag-utos na aniya nito ang pagsasagawa ng disinfection sa mga pampublikong lugar na napuntahan ng pasyente upang maiwasan ang pagkalat ng virus.

Tiniyak pa ng alkalde ang ibibigay na tulong lalo na sa mga pangunahing pangangailangan ng mga residente sa naturang barangay na apektado ng lockdown.

Samantala, babawiin lamang ang deklarasyon ng lockdown sa Barangay Remu pagkatapos ng 14 na araw.