Plano ng mga barangay officials ng Matandang Balara, isang ekslusibo na subdivision sa Quezon City na magpakawala muli ng mga palaka para manghuli at kainin ang mga lamok na may dalang dengue virus kasunod ng idineklarang dengue outbreak sa lungsod.

Matatandaan na idineklara ni Mayor Joy Belmonte ang dengue outbreak noong February 15.

Sinabi ni Barangay Chairman Allan Franza, na noong ginawa nila noon ang pagpapakawala ng mga palaka, napansin nila na bumaba ang kaso ng dengue sa kanilang lugar.

Naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng mga palaka sa paglaban sa mga lamok lalung-lalo na sa mga bakanteng lote na hindi puwedeng pasukin ng barangay para linisin.

Noong 2018 at 2019, nagpakawala ang barangay ng mga palaka matapos na makapagtala ng dalawang namatay dahil sa dengue at may 200 kaso ng sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, duda ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Health (DOH) sa nasabing paraan para mapababa ang mga kaso ng dengue dahil sa kawalan umano ng pag-aaral para patunayan na ito ay epektibong solusyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Franza na patuloy ang kanilang ginagawang clean-up drive at information dessimination.

Sinabi niya na maaaring huling hakbang na lamang nila ang pagpapakawala ng mga palaka kung hindi pa rin masusugpo ang pagdami ng kaso ng dengue.

May naitala nang 45 na kaso ng dengue ang Barangay Matandang Balara.