Isang baril at mga bala ang natagpuan ng isang residente sa karagatan ng Dibay, Calayan, Cagayan noong Disyembre 14, 2025 bandang alas-2 ng hapon.

Ayon kay PMaj. Jessie Alonzo, COP ng PNP Calayan, ang nasabing residente ay papunta sana sa pangingisda nang mapansin ang isang kahina-hinalang plastic bucket na palutang-lutang sa dagat. Ang nasabing lalagyan ay kulay berde na biscuit container, at mahigpit na nakaselyo.

Nang buksan ang plastic bucket, tumambad sa loob ang isang caliber .45 na baril, dalawang magazine, at ilang piraso ng bala. Agad namang isinuko ng residente ang nasabing mga bagay sa himpilan ng pulisya.

Sa paunang imbestigasyon, hinihinalang ang baril ay walang lisensiya at mahirap matukoy ang serial number nito dahil sa kondisyon ng armas. Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na ang nasabing baril ay napadpad lamang sa dagat bunsod ng mga nagdaang bagyo na nakaapekto sa lalawigan.

Dahil kanselado pa rin ang mga biyahe ng sasakyang panghimpapawid patungong mainland, inaasahang ipapadala ang baril at mga bala sa PNP Crime Laboratory ng PRO2 para sa mas masusing pagsusuri sa sandaling maging posible ang transportasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, patuloy ang pinalakas na pagbabantay ng PNP Calayan sa mga coastal areas upang maiwasan ang pagpasok ng mga ilegal na gamit at anumang uri ng ilegal na gawain sa isla.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang bagay o aktibidad na kanilang mapapansin, lalo na sa mga baybayin ng lalawigan.