Baril umano ng kaniyang ama ang ginamit ng 16-anyos na estudyanteng namaril sa Banga National High School sa South Cotabato.

Ayon kay Banga Mayor Albert Deocades Palencia, winasak umano ng estudyante ang vault kung saan nakatago ang baril ng kaniyang ama na guro at empleyado ng Department of Education Region 12.

Sinabi ng alkalde na marunong humawak ng baril ang estudyante dahil isinasama umano siya ng ama sa shooting practice.

Bago ang pamamaril, nagbabala rin umano ang estudyante sa ilang kaklase na umuwi na pagkatapos ng tanghalian dahil mayroon siyang gagawin.

Samantala, iniimbestigahan din ng pulisya ang sinasabing pagiging miyembro ng estudyante sa isang online group na may kaugnayan sa karahasan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa alkalde, hindi umano ito nakaranas ng bullying ngunit nakakuha kamakailan ng mababang grado. Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at iba pang dahilan sa insidente.