Narekober ng militar ang baril, pampasabog at maraming war materials na pag-aari umano ng New People’s Army (NPA) kasunod nang nangyaring sapupaan sa bayan ng Hungduan sa lalawigan ng Ifugao.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Capt. Rogelio Agustin, Civil Military Officer ng 503rd Infantry Brigade, Philippine Army na nakabase sa Tabuk city na isinumbong ng mga residente sa militar ang presensya ng mga armadong grupo sa bulubunduking bahagi ng Barangay Abatan, Hungduan.

Agad namang nagsagawa ng operasyon ang tropa ng 54th Infantry Battalion ng Philippine Army sa lugar at naka-engkuwentro nila ang nasa 30 miyembro ng NPA na grupo umano nang Komiteng Larangang Gerilya o KLG-Ampis na kumikilos sa tri-boundaries ng Mountain Province, Ilocos Sur at Abra.

Sinabi ni Agustin na tumagal ang engkuwentro hanggang 30 minuto bago umatras ang mga rebelde.

Walang napaulat na nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan habang hindi pa masabi ng militar kung may mga casualty sa panig ng NPA.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isinagawang clearing operation ng mga sundalo sa lugar ay narekober ang isang M16 armalite riffle, dalawang Improvised Explosive Devised (IED), maraming war materials at iba pang mga personal na gamit.

Patuloy naman ang pagtugis ngayon ng mga sundalo sa mga tumakas na mga NPA.