Nagbanggaan sa karagatan ang isang passenger vessel at isang fishing boat, malapit sa pier ng Lucena City, Quezon Province.
Katatapos lamang umalis ng MV Peñafrancia VI ng Starhorse Shipping Lines mula sa Port of Talao-Talao sa Lucena at patungo sana sa Balanacan Port sa Marinduque, nang sumalpok ito sa kasalubong na FV Sr. Fernando 2, na papasok sa pier mula sa Tayabas Bay.
Lulan ng MV Peñafrancia VI ang 82 pasahero at 18 crew, habang 16 naman ang sakay ng FV Sr. Fernando 2. Sa kabila ng banggaan, walang nasaktan sa magkabilang panig.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Southern Tagalog, nasira ang rampa at starboard bow ng passenger vessel.
Pareho namang ligtas na nakabalik sa Lucena pier ang dalawang sasakyang pandagat. Tiniyak rin ng PCG na walang banta ng oil spill sa lugar.
Gayunpaman, inirerekomenda ng PCG sa Maritime Industry Authority (MARINA) na kanselahin ang safety certificates ng parehong barko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.