Dumating sa Pilipinas ang isang barko na may kargang mahigit 700,000 bariles ng krudo mula Russia, ilang araw matapos ideklara ang state of national energy emergency dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.

Ang barkong Sara Sky, na may bandilang Sierra Leone, ay nagdala ng de-kalidad na krudo mula sa ESPO pipeline ng Russia at dumating noong Lunes.

Ayon sa mga dokumento, ang consignee ng kargamento ay ang Petron Corporation, na siyang nagpapatakbo ng nag-iisang oil refinery sa bansa.

Namataan ng isang mamamahayag ang barko na nakaangkla sa Limay Port, kung saan matatagpuan ang refinery ng Petron.

Pinaniniwalaang ito ang unang shipment ng Russian oil sa Pilipinas sa loob ng limang taon.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang sinabi ni Ramon Ang, Chief Executive Officer ng Petron, na nakikipag-usap ang kumpanya para sa posibleng pagbili ng langis mula Russia, ngunit tumanggi siyang kumpirmahin ang pagdating ng naturang shipment.

Lubos na umaasa ang Pilipinas sa inaangkat na langis, na patuloy ang pagtaas ng presyo nito matapos maapektuhan ang suplay dahil sa digmaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, na nagdulot ng bahagyang pagsasara ng Strait of Hormuz.

Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., naghahanap ang pamahalaan ng iba’t ibang mapagkukunan ng langis dahil tinatayang aabot na lamang sa 45 araw ang natitirang suplay ng bansa.

Samantala, pansamantalang niluwagan ng Estados Unidos ang ilang restriksyon sa pagbebenta ng Russian oil, na nagpapahintulot sa pagbili ng mga kargamentong nasa biyahe na hanggang Abril 11.

Ayon naman sa analyst na si Muyu Xu, tinatayang nasa 120 milyong bariles ng Russian oil ang nasa dagat noong ipatupad ang naturang polisiya, at karamihan dito ay maaaring nauna nang na-order ng mga kliyente mula China at India.

Sa gitna nito, pinakilos ng Department of Energy ang ₱20 bilyong emergency fund, na ayon kay Secretary Sharon Garin ay isang hakbang upang masiguro ang sapat na suplay ng enerhiya sa bansa.