Sinadya umanong banggain at binomba pa ng tubig ng barko ng China ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) vessel sa Pag-asa Island, kahapon ng umaga.

Sa social media post ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson to the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, sinabi nitong bago naganap ang insidente ay tatlong barko ng BFAR, na kinabibilangan ng BRP Datu Pagbuaya na nakaangkla sa territorial waters ng Pag-asa Island upang magkaloob ng proteksiyon sa mga mangi­ngisdang Pinoy doon, bilang bahagi ng “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM).

Maya-maya aniya ay naharap ang mga ito sa ‘dangerous at provocative maneuvers’ mula sa mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia.

Dakong alas-8:15 ng umaga nang lumapit pa ang Chinese maritime forces at in-activate ang water cannons, na malinaw na banta sa mga barko ng BFAR.

Dakong alas-9:15 ng umaga nang lumala ang sitwasyon matapos tuluyan nang direktang bombahin ng tubig ng CCG vessel na may bow number 21559 ang BRP Datu Pagbuaya.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa nasiyahan, sinadya rin umanong banggain ng Chinese vessel ang naturang barko ng BFAR, na nag­resulta sa bahagyang pagkapinsala nito.

Mabuti na lamang umano at walang sinuman sa mga tripulante ng barko ang nasugatan sa insidente.

Tiniyak naman ni Tarriela na sa kabila ng mga naturang bullying tactics at agresibong aksiyon ng mga barko ng China ay nanatiling determinado ang mga tauhan ng PCG at BFAR.

Hindi umano sila nagpa-intimidate o umalis sa lugar dahil alam nilang mahalaga ang kanilang presensiya sa Kalayaan Island Group upang maprotektahan ang karapatan at kabuhayan ng mga mangi­ngisdang Pinoy doon.