(c) Naval Forces Northern Luzon

Nasa biyahe na papuntang Cagayan ang barko ng Philipine Navy na magsasakay sa mga ipapadalang relief goods sa island barangays sa bayan ng Aparri na apektado sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Lt. Commander Rodney Cudal ng Naval Forces Northern Luzon na mula Port Irene sa Sta Ana ay ikakarga sa barko ang mga relief goods patungo sa Fuga island at Dalupiri island.

Ito ay kinabibilangan ng 400 sako ng bigas, 50 karton ng assorted na delata at iba pa na mula sa Department of Social Welfare and Development, Pamahalaang Panlalawigan at LGU-Aparri.

Posible namang sa susunod na Linggo ay maibigay na sa mahigit dalawang libong residente sa isla ang mga relief goods.

Samantala, sinabi ni Cudal na bukod sa pagdodonate ng porsyento ng kanilang sahod para sa buwan ng Mayo ay inatasan ang bawat miyembro ng Navy sa La Union at Sta Ana, Cagayan na i-donate ang isang araw ng kanilang rice allowance.

-- ADVERTISEMENT --

Ito ay nagkakahalaga ng P150 bawat isa kung saan ang malilikom ay ibibili ng mga relief goods at ibibigay sa tinatawag na poorest of the poor.

Habang ang malilikom sa pinagsamang mga sahod ng lahat ng miyembro ng AFP ay ibibigay sa Office of Civil Defense na siyang bibili ng mga relief goods, medical supplies o equipments na gagamitin bilang panglaban sa COVID-19.