Lumayag na ang barko na naglalaman ng mga tanker ng produktong petrolyo na gagamitin sa power generation sa probinsya ng Batanes.
Sa paabiso ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batanes, nakaalis na sa port ng Bataan fuel tanker upang maidala ang mga dagdag na supply ng langis sa nasabing lugar at inaasahan na makakarating ito sa September 13.
Unang inihayag ni Victoria Mata, General Manager ng BATANELCO na ginawa na lamang nilang walong oras ang power operation dahil sa kakulangan ng fuel supply na nagpapatakbo sa elektrisidad.
Ito ay upang maiwasan ang pagkakaroon ng total brownout sa buong isla hanggang sa makarating ang nasa 900k liters ng supply ng fuel sa itinakdang araw na pagdating nito.
Ang nasabing supply ng langis ay maaari namang tumagal hanggang sa buwan ng Nobyembre.
Inihayag nito na pangunahin sa dahilan ng pagkaantala ng pagdating ng fuel supply ay ang magkakasunod na sama ng panahon at ang mahal na presyo ng produktong petrolyo.
Aminado naman si Mata na dahil sa pagbabawas ng oras ng power generation ay marami sa mga negosyante ang apektado tulad na lamang ng mga hotel na tumatanggap ng mga turista.