Maaaring harapin ni Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga ang isa pang ethics complaint dahil sa umano’y “sweeping at unsubstantiated” na paratang laban sa mga kongresista ng National Unity Party (NUP), ayon kay Negros Occidental 4th District Rep. Jeffrey Ferrer, miyembro ng NUP.

Sa isang privilege speech sa House plenary session nitong Lunes, tinukoy ni Ferrer bilang “false” at “baseless” ang social media post ni Barzaga na nagsasabing tumanggap ng “bribe” ang mga NUP congressmen mula sa businessman na si Enrique Razon bago ang 2025 elections kapalit ng suporta kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Dagdag pa niya, ang paggawa ng “sweeping and unsubstantiated allegations against an entire bloc” at ang pagpapakalat ng mga pahayag na maituturing na defamation laban sa House ay maaaring magresulta sa paglabag sa House Rules on the code of conduct at sa Republic Act No. 6713, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at maaaring magsilbing basehan para sa isa pang ethics complaint.

Noong Disyembre ng nakaraang taon, nasuspinde si Barzaga sa loob ng 60 araw matapos siyang ideklarang “guilty of disorderly behavior” dahil sa mga “reckless” at “inflammatory” na social media posts.

Kasalukuyan rin siyang nahaharap sa tatlong hiwalay na cyber libel complaints mula kay Razon at dalawang NUP congressmen kaugnay ng alegasyong bribery.

-- ADVERTISEMENT --

Ang posibleng bagong ethics complaint ay dagdag na hamon kay Barzaga habang patuloy ang imbestigasyon sa kanyang mga paratang.