Nagsimula nang mag-ikot sa Cauayan City, Isabela ang Hybrid Electric Road Train ng Department of Sciece and Technoloy (DOST) upang magbigay ng libreng sakay para sa mga health workers at iba pang frontline workers na exempted sa enhanced community quarantine.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Sancho Mabborang, director ng DOST-RO2 na apat na beses sa isang araw ang biyahe ng nasabing gawang Pinoy na tren na hindi nangangailangan ng riles at may tatlong coaches.

Ayon kay Mabborang, may medical staff sa naturang tren kung saan titingnan ang temperatura ng bawat pasahero na sasakay sa bawat istasyon.

Ipapatupad din ang social distancing, na mayroong bakanteng upuan sa pagitan ng bawat pasehero.

Bukod sa electric train, ginagamit din para maghatid-sundo sa mga frontliners ang limang e-trike ng DOST na nasa Cauayan City habang sampu ang ginagamit sa lungsod ng Tuguegarao City.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakalikha na ng mahigit isang-libong litro ng local na bersyon ng ethyl alcohol ang DOST na kasalukuyang ipinapamahagi sa mga hospital sa Cauayan City at isusunod na bibigyan ang iba pang ospital sa rehiyon dos.

Ayon kay Mabborang, na-convert bilang laboratoryo para sa produksyon ng alcohol na mula sa tubo (sugarcane) ang isa sa kanilang Food Innovation Facilities sa Isabela State University bilang tugon sa matinding pangangailangan sa alcohol dahil sa COVID-19.

Bukod dito, patuloy din ang produksyon ng DOST ng mga masusutansiyang pagkain at reusable face masks na libreng ipapamahagi sa mga fronliners.

Hinihikayat naman ng DOST ang mga negosyante na ipagpatuloy ang paggawa ng mga juices na may turmeric powder at calamansi na mayaman sa Vitamin C upang makatulong sa kalusugan ng publiko.

Inihalimbawa ni Mabborang ang araw-araw na pagbili ng Isabela Government sa Aurora, Isabela na gumagawa ng calamansi juice upang ipamahagi ng libre sa mga frontliners.

Sa gitna ng krisis, sinabi ni Mabborang na itinigil pansamantala ng DOST ang paniningil sa monthly amortization ng mga Micro-Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa buong bansa.