Binatikos ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa planong pagkansela sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Colmenares, nararapat lamang na mapawalang bisa ang VFA ng USA at Pilipinas dahil sa mapang-abusong ginawa ng mga sundalong Amerikano sa mga babae at LGBT community sa bansa.

Gayunman, tila pamemersonal at hindi umano tama na gamiting dahilan ng Pangulo ang pagkakansela ng US visa ni Sen. Ronald dela Rosa sa planong pagbasura ng VFA.

Paliwanag ni Colmenares, magkaiba ang usapin ng visa sa VFA na isang treaty o tratado.

Inalmahan din ni Colmenares ang pahayag ni Duterte kaugnay sa mas may respeto ang China sa soberanya ng Pilipinas kumpara sa Amerika.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaalala ni Colmenares sa Pangulo na hindi matatawag na pagrespeto ang pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea at pag-atake sa mga mangingisdang Pinoy.

Dagdag pa rito ang umanoy hindi patas na kontrata at loan agreements na pinasok ng Pilipinas sa China.