Tuguegarao City- Patuloy na pinaghahandaan ng Cagayan School Division Office (SDO) ang kanilang “basic education learning continuity plan” na ilalatag sa nalalapit na pagbubukas ng School Year (SY) 2020-21.
Sa panayam kay Orlando Manuel, Schools Division Officer ng Cagayan, bahagi nito ay ang pagsasagawa ng pilot testing sa Modular, TV and Radio based maging ng iba pang modality sa pagtuturo.
Aniya, layon nitong malaman ang mga karagdagang impormasyon at mga reaksyon mula sa mga mag-aaral at magulang bilang hakbang upang maiayos ang sistema ng gagawing pagtuturo.
Sinabi pa nito na maaaring tanggapin ng kagawaran ang mga volunteer teachers partikular ang mga education graduate upang tumulong sa pagbabantay sa mga mag-aaral na maiiwan ng mga magulang sa bahay dahil sa hanap buhay.
Ikokonsidera aniya nila ito bilang kanilang “expirience” dahil sa kontribusyon ngayong pandemic na makatutulong din sa kanilang paghahanap ng trabaho.
Bukod dito ay magiging alerto din aniya ang mga guro sa paghahatid ng serbisyo sa mga lugar na hnd naabot ng internet o TV dahil sila ang maghahatid ng mga modules sa mga nakatalagang dropbox ng DepEd.
Ipinunto pa ng opisyal na sa halip na ang mga estdyante ang tatawid ng ilog at aakyat sa mga bundok ay guro na ang gagawa nito upang maipaabot ang serbisyo.
Ipinasiguro pa ni Manuel ang tuloy-tuloy na pagbabalangkas ng mga panuntunan sa pagtuturo upang makapagbigay ng basic quality education.
Ito pa rin ay tugon ng Department of Education sa ginagawang pag-iingat habang nahaharap ang bansa sa krisis na dulot ng COVID-19.
Maalalang pormal na inanunsyo ng Kagawaran ng Edukasyon ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24 ngayong taon.