
Sinabi ni House Deputy Minority Leader Antonio Tinio na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte ang itinuturing umanong Plan B ng mga Duterte para sa 2028 presidential elections.
Ayon kay Tinio, ang pagkakatalaga kay Baste Duterte bilang bagong presidente ng PDP-Laban ay posibleng paghahanda ng kampo ng mga Duterte sakaling maapektuhan ang planong pagtakbo ni Vice President Sara Duterte dahil sa impeachment case laban sa kanya.
Giit pa ni Tinio, ang mga hakbang tulad ng pagbubuo ng koalisyon ay indikasyon umano ng maagang paghahanda para sa kampanya sa 2028.
Samantala, iginiit ng kampo ng PDP-Laban na ang pagkakapili kay Baste ay bunsod ng suporta sa loob ng partido at patunay umano na nananatiling malakas ang “Duterte brand” sa publiko.
Depensa ng partido, hindi ito personality cult kundi representasyon ng uri ng pamumuno na nakatuon sa peace and order, anti-korapsyon, at independent foreign policy.
Si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na chairman ng PDP-Laban, ay kasalukuyang nakakulong sa International Criminal Court sa The Hague kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa war on drugs.










