Patay na at walang saplot nang matagpuan sa dalampasigan ng Dagupan City, Pangasinan ang babaeng pitong-taong-gulang.

Una rito, iniulat ng pamilya na nawawala ang biktima matapos umanong tangayin at isakay sa SUV ng suspek na tumigil sa tapat ng kanilang bahay sa Asingan nitong Huwebes.

Nakita ng mag-asawang nangingisda sa tabi ng dagat sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan, ang bangkay ng biktima dakong 5:00 ng umaga.

Inakala pa raw noong una na manika ang biktima dahil nakabalot sa garbage bag ang itaas na bahagi ng katawan ng bata.

Kaagad na ipinaalam ng mag-asawa sa mga awtoridad ang nakitang bangkay.

-- ADVERTISEMENT --

Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, sinabi Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, OIC ng Dagupan City Police station, na nalaman na may batang babae na nawawala sa bayan ng Asingan nitong Huwebes kaya natukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.

Positibo umanong kinilala ng biktima ang bangkay ng bata.

Ayon kay Calub, sa inisyal na pagsusuri sa bangkay ng bata, may nakitang sugat sa leeg nito.

Batay sa testimonya ng mga saksi, sinabi ni Calub na isang Toyota Fortuner ang tumigil sa tapat ng bahay ng biktima at kinuha ang bata.

Posible umanong kakilala ng bata ang kumuha sa kaniya.