Sugatan ang isang bata matapos mahulog mula sa likod ng isang umaandar na AUV sa Roxas Boulevard sa Pasay City.
Sa isang viral na video, biglang bumukas ang likurang pinto ng sasakyan habang nasa daan ito, at dito nahulog ang bata sa kalsada.
Mabilis namang nakatayo ang bata at lumapit sa gilid ng kalsada habang umiiyak.
Agad ding bumaba mula sa sasakyan ang isang lalaki at babae upang puntahan ang bata.
Ayon sa isang nakasaksi, nagtamo ito ng sugat sa braso.
Bagaman hindi malinaw sa video, may mga nagsabing posibleng ang bata mismo ang nakabukas ng pinto.
Pinaalalahanan ng mga eksperto ang publiko na dapat ay may child lock at tamang child car seat ang mga sasakyan lalo na kung may batang sakay, alinsunod sa batas na Republic Act 11229.
Maiiwasan sana ang ganitong insidente kung nasunod ang mga safety measure para sa mga bata sa loob ng sasakyan.
Patuloy pa ring kinukuha ng mga awtoridad ang pahayag ng mga magulang ng bata.