Patuloy na makararanas ng araw-araw na power interruption sa Batanes at ubos na rin ang fuel ng mga gasolinahan dahil sa pagkakaantala ng pagdating ng suplay ng diesel sa isla bunsod ng habagat.

Dahil dito, sinabi ni Ceasar Roldan Esdicul, head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na mula alas 12:00 ng tanghali hanggang 12:00 ng hatinggabi o sa loob lamang ng 12 oras sa kada araw ang kuryente sa Batan Island.

Kinailangan munang bawasan ang pagsusuplay ng kuryente sa Batan island upang maiwasan ang pagkakaroon ng total black out at bilang pagtitipid na rin sa natitirang stock ng diesel.

Normal pa naman ang power operation sa Sabtang at Itbayat dahil mayroon pa silang fuel para sa kanilang power plant subalit kukulangin ito kapag hindi pa rin nakarating ang karagdagang suplay.

Dalawa namang gasolinahan sa isla ang pansamantalang nagsara dahil ubos na ang kanilang suplay ng gasolina.

-- ADVERTISEMENT --

Sa abiso ng Batanes Electric Cooperative na-stranded sa Bolinao, Pangasinan ang barkong may dala ng fuel supply dahil sa sama ng panahon kayat kinukulang na ng diesel para sa power plant ng National Power Corporation.