Puspusan ang paghahanda ng probinsiya ng Batanes sa epekto ng bagyong “Ineng”.

Sinabi ni Governor Marilou Cayco na inatasan na niya ang pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council para bigyang babala ang bawat residente sa lalawigan.

Ayon kay Cayco na pinayuhan niya ang mga mamamayan na itali ang bubung ng kanilang mga bahay para hindi liparin kung may malakas na hangin at ulan.

Kanselado rin aniya ang pasok ng mga mag-aaral sa lahat ng level sa lalawigan na ngayon ay nakakaranas ng panaka-nakang buhos ng ulan at pabugsu-bugsong hangin na nasa signal storm signal no. 2

Samantala, sinabi ni Cayco na nakapagpadala ng supply ng fuel at pagkain ang provincial government sa Itbayat matapos gumanda ang lagay ng panahon sa nakalipas na tatlong araw.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Cayco na sinamantala nila na gumanda ang lagay ng panahon para maibiyahe ang supply ng pagkain mula Basco patungong Itbayat na niyaning ng magkasunod na lindol nitong July 27.

Sinabi niya na mahigit 70 drums ng fuel ang naideliver sa Itbayat kasama ang mga pagkain kung saan maaari umanong tatagal ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.

Matatandaan na naiulat na nagkulang ng supply ng pagkain at fuel na gagamitin sa koryente ang Itbayat nitong nakalipas na mga araw dahil sa hindi makapagbiyahe ang mga sasayang pandagat at malalaking sasakyang panghimpapawid na magdala sana ng supply ng pagkain dahil sa hindi magandang lagay ng panahon