Pinuri ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lalawigan ng Batanes dahil sa pagtalima sa batas na nagbabawal na magpako ng mga campaign materials sa mga punong kahoy.
Sinabi ni Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan ng DENR-Region 2 na batay sa ulat ng PENRO- Batanes hanggang nitong February 7 ay walang mga nakalagay na mga campaign paraphernalia sa mga puno.
Pinasalamatan ni Bambalan ang mga mamamayan sa pagsunod sa batas para mapangalagaan ang mga puno na siyang nagbibigay ng sariwang hangin na kailangan natin para tayo ay mabuhay.
Kasabay nito ay hinamon naman niya ang mga nasa mainland na tularan ang pagsunod sa batas o alituntunin sa naturang isla para mapangalagaan ang mga punongkahoy at ang buong kapaligiran.
Sa ilalim ng R.A. No. 3571, mahigpit na ipinagbabawal ang pagputol, pagsira o pananakit ng mga punong kahoy na nakatanim sa gilid ng mga kalsada, paaralan at iba pang pampublikong lugar.
Ang mga lalabag ay posibleng makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon o multang hindi bababa sa limang daang piso at hindi hihigit sa limang libong piso o parehong pagkakulong at multa depende sa pagpapasya ng korte.