
Mariing tinutulan ni Batanes Lone District Representative Ciriaco Gato Jr. ang pahayag ng ilang Chinese scholars na umano’y sakop ng China ang Batanes dahil isa umano itong “natural geographical extension” ng Taiwan.
Sa panayam sa Bombo Radyo, sinabi ni Gato na bagama’t hindi nagmula sa mga opisyal ng China ang naturang pahayag, nararapat pa rin itong seryosohin.
Aniya, maaari itong magamit bilang batayan sa pagsusulong ng mga pag-aangkin sa hinaharap kaya hindi ito dapat ipagsawalang-bahala, lalo na sa gitna ng umiiral na tensyon sa West Philippine Sea.
Iginiit ng mambabatas na walang anumang historical at legal na batayan ang naturang pahayag dahil matagal nang bahagi ng Republika ng Pilipinas ang Batanes.
Binigyang-diin din niya na nananatiling tapat ang mga Ivatan sa bansa at hindi kailanman naging bahagi ng China o Taiwan ang lalawigan.
Ayon pa kay Gato, suportado niya ang agarang paglalabas ng pahayag ni Defense Secretary Gilbert Teodoro na walang batayan ang naging pahayag ng grupo ng mga Chinese academician na inilahad sa isang pagtitipon sa China.
Kasabay nito, tiniyak ng kongresista na patuloy na nakabantay sa Batanes ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at iba pang ahensyang nangangasiwa sa seguridad ng bansa.
Sinabi rin niya na isa sa mga isinusulong na proyekto sa Kongreso ang pagtatayo ng isang seaport o shelter port sa Batanes upang magkaroon ng permanenteng himpilan ang malalaking barko ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Inihayag pa niya na malaking tulong ang naturang proyekto upang mapalakas ang pagbabantay sa karagatan ng Batanes at matugunan ang matagal nang problema sa pagpasok ng mga dayuhang sasakyang pandagat sa kanilang katubigan.
Tinatayang aabot sa P1.3 bilyon ang kabuuang halaga ng proyekto, kung saan P700 milyon ang inilaan para sa unang yugto ng konstruksyon.
Sa kabila ng isyu, tiniyak ni Gato na nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa Batanes at hinikayat ang mga Ivatan na huwag magpadala sa mga lumalabas na pahayag.
Iginiit ng kongresista na mananatiling bahagi ng Republika ng Pilipinas ang Batanes at buo ang suporta ng mga Ivatan sa pambansang pamahalaan.









