Nagprisinta ang Batanes State College na ipagamit ang ilan sa kanilang mga silid-aralan para sa mga apektadong mag-aaral ng naganap na sunog sa Basco Central School sa lalawigan ng Batanes.
Ayon kay Batanes Vice Governor Ignacio Villa, handang ipagamit ng BSC ang kanilang pasilidad at mga kagamitan para sa humigit-kumulang na 300 mag-aaaral sa grades 2, 5 at 6 na naapektuhan ang klase dahil sa nangyaring sunog sa kanilang paaralan.
Sinabi ni Villa na aabutin pa ng 45-araw bago mailabas ng Bureau of Fire Protection ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa pinagmulan ng sunog kung kaya mahalagang mahanapan ng alternatibong paraan upang maibalik na ang face-to-face classes partikular na ngayong nalalapit na ang end-of-school year.
Kabilang pa sa mga napag-usapan sa isinagawang emergency meeting ay ang gagawing rehabilitation sa nasunog na Gabaldon Building sa naturang paaaralan na kabilang sa mga heritage sites.
Matatandaang nasa P39.4M ang inisiyal na halaga ng pinsala sa nasunog na 20 silid na kinabibilangan ng sampung classrooms, principals office, admin office, auditorium at school clinic.