Lumabas sa initial findings ng Scene of Crime Operatives (SOCO), na ang sanhi ng pagkamatay ni John Ysmael Mollenido, anak ng pinatay na si Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido ay asphyxia by suffocation o dahil sa kakulangan ng hangin dulot ng mahigpit na pagkaka-tape sa mukha ng bata, ayon ito sa Southern Police District.

Nabatid na kahapon ay nakumpirma ng pamilya na ang bangkay na nakita sa isang Calamansi Farm sa Brgy. Maluid, Victoria, Tarlac ay ang nasabing 8 taong gulang na lalaki.

Matatandaan na ang ina nitong pulis ay nakita namang nabubulok na ang bangkay na nakabalot sa isang tela, itim na garbage bags at plastic noong Enero 25 sa isang creek sa kahabaan ng Pulilan Baliuag Bypass Road sa Bulacan.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na niya ang mga kinauukulang unit ng pulisya na tugisin ang lahat ng sangkot sa krimen, kabilang ang isang car agent na itinuturing na person of interest sa kaso.

Matatandaan na bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) ang ahensya para sa nasabing kaso.

-- ADVERTISEMENT --