Patuloy ang retrieval operation ng mga otoridad sa batang babaeng nawawala matapos na tangayin ng malakas na alon at nalunod sa karagatang sakop ng Brgy. Caroan, Gonzaga, Cagayan hapon ng Pebrero 8.

Ayon kay LT Dennis Rapal, Chief of Staff ng Coast Guard District Northeastern Luzon, agad na tumawag sa kanilang tanggapan ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Gonzaga upang tumulong sa pagresponde sa pagkalunod ni Guilian Antonio, 9 anyos at residente ng Cabayabasan, Lallo.

Aniya, may kasamang apat na iba pang kabataan ang biktima ngunit masuweteng nailigtas ng mga rescuer na nahirapan at muntik ding malunod sa pagresponde dahil sa lakas ng alon na dulot ng Northeast monsoon.

Sinabi niya na hindi alam ng mga magulang ni Antonio na sumama siya sa kanyang mga kaibigan upang mamasyal sa nasabing lugar kung saan nang makakita sila ng dagat ay nagkayayaan silang maligo.

Sa ngayon ay patuloy aniya ang pagsasagawa ng mga otoridad ng underwater search and retrieval upang mahanap ang bata.

-- ADVERTISEMENT --