Nailigtas ng mga awtoridad sa Thailand ang isang walong taong gulang na lalaki na nakatira kasama ang mga aso at tumatahol sa halip na nagsasalita.
Nadiskubre ang inabandonang bata sa isinagawang welfare check noong Lunes, na nakatira sa isang bahay na inilarawan na drug den sa Lao Lae district sa Uttaradit, Thailand.
Kasama ng bata ang kanyang ina na 46-anyos at nakatatandang kapatid na lalaki na 23-anyos – kapwa nagpositibo sa paggamit ng droga.
Ayon sa mga kapitbahay, matagal na iniiwasan ang nasabing pamilya, at ang bata ay hindi pumapasok sa paaralan, at wala siyang ibang kasama kundi ang anim na aso.
Sinabi ni Paveena Hongsakul, presidente ng local activist foundation, isa sa sumama sa mga pulis sa rescue operation na nakakaawa ang bata dahil sa tumatahol siya sa halip na magsalita.
Idinagdag pa niya na ayaw ng kanyang ina na pumasok siya sa eskwelahan buhat nang makatanggap siya ng subsidy para sa libreng edukasyon.
Matapos na makuha ng ina ang pera, nasa bahay lang ang bata.
Ayon naman sa isang guro na may alam sa kaso, ang bahay ay red zone dahil sa droga, at walang ibang kasama ang bata kundi ang mga aso.
Pinaniniwalaan na minsan lang pumasok sa paaralan ang bata, sa kabila na tumanggap ang ina ng stipend na 400 baht para suportahan ang edukasyon ng anak.