Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang ganap na batas ang pagbabawal at pagdedeklara na iligal ang lahat ng offshore gaming operations (POGOs) sa bansa, at maging ang mga katulad na mga aktibidad.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12312, na kilala na ‘Anti-POGO Act of 2025,’ ang work permits at visas ng lahat ng indibidual na sangkot sa offshore gaming operations, o nagtatrabaho sa POGOs, POGO gaming content providers, at POGO-accredited service providers ay deklaradong kanselado.

Nilagdaan ng Pangulo ang panukalang batas noong October 23.

Nakasaad sa batas na lahat ng POGOs, POGO gaming content providers, Pogo accredited service providers, at POGO local gaming agents na babawiin ang mga lisensiya sa ilalim ng batas ay may pananagutan sa lahat ng taxes, duties, regulatory fees, at iba pang bayarin hanggang sa huling araw ng kanilang operasyon, na babayaran sa pamahalaan na mula sa kanilang mga operasyon.

Samantala, inatasan ang Department of Labor and Employment na gumawa at magpatupad ng mga programa para tumulong sa transition sa lahat ng Pilipino na maaapektohan sa nasabing batas.

-- ADVERTISEMENT --

Para matiyak ang epektibong implementasyon ng batas, may lilikhain na Administrative Oversight Committee (AOC), na bubuuin ng mga sumusunod na ahensiya ng pamahalaan:

Presidential Anti-Organized Crime Commission bilang chair, Department of Justice, Department of Information and Communications Technology, at Department of the Interior and Local Government bilang mga miyembro.