Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon upang bigyang-daan ang kauna-unahang halalan para sa parlyamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Alinsunod sa Republic Act No. 12232, ililipat ang nakatakdang halalan sa Disyembre 1, 2025 sa unang Lunes ng Nobyembre 2026, na tatapat sa Nobyembre 2 — Araw ng mga Kaluluwa.

Mula rito, idaraos na ang regular na BSKE kada apat na taon.

Kasama rin sa nasabing batas ang pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK mula tatlong taon tungo sa apat na taon.

Gayunpaman, nananatiling hanggang tatlong sunod-sunod na termino lamang ang maaaring pagsilbihan ng mga barangay officials, katumbas ng 12 taon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, isang termino lamang ang papayagan para sa mga SK officials.

Dagdag pa rito, ang mga kasalukuyang barangay officials na nasa ikatlong sunod na termino ay hindi na maaaring tumakbo muli sa parehong posisyon sa darating na halalan sa Nobyembre 2026.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang pagpapaliban ng BSKE ay isang “pinakasensibleng” hakbang upang mabigyang-pokus ang pagsasagawa ng BARMM parliamentary elections sa Oktubre 13, 2025.

Aniya, napakahalaga ng halalang ito sa Mindanao dahil ito ang magpapalit sa kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA), na binubuo ng mga presidential appointees, tungo sa halal na pamunuan. Binanggit din niya na ang pagkabigo sa halalang ito ay maaaring magdulot ng banta sa nagpapatuloy na kapayapaan sa rehiyon.

Ngunit bago ito, nanawagan ang batikang election lawyer na si Romulo Macalintal na i-veto ni Marcos ang panukalang batas.

Aniya, ito ay isang “recycled” na bersyon ng batas na una nang pinawalang-bisa ng Korte Suprema — ang Republic Act No. 11935 na nagpapaliban sa halalan noong 2022.

Sa landmark ruling ng Korte Suprema noong 2023 (G.R. No. 263590, G.R. No. 263673), idineklara nilang labag sa Konstitusyon ang pagpapaliban ng halalan kung walang sapat at makatuwirang dahilan.

Hindi raw sapat na batayan ang tinatawag na “election fatigue” o pagtitipid ng pondo upang ipagpaliban ang halalan.

Ang kopya ng bagong batas ay naipamahagi na sa mga mamamahayag sa Malacañang at inaasahang ilalathala sa Official Gazette.