Iginiit ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na muling ibalik ang death penalty sa bansa upang magsilbing panlaban at panakot sa mga opisyal ng gobyerno na gumagawa ng katiwalian.

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects, binigyang-diin ni Dela Rosa na ang parusang kamatayan ay makatutulong para mabawasan ang mga kaso ng korapsyon at mapigilan ang mga opisyal na abusuhin ang pondo ng bayan.

Nabatid sa pagdinig na umamin si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na sangkot siya sa ilang iregularidad sa pagpapatupad ng mga flood control projects.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Dela Rosa ang kanyang inihaing panukalang batas na naglalayong ibalik ang death penalty para sa mga kasong plunder.

Nakasaad sa panukala na ang mga mapapatunayang nagkasala ng pandarambong sa pondo ng gobyerno ay dapat patawan ng pinakamabigat na kaparusahan, kasabay ng paglalayong mapalakas ang kampanya laban sa korapsyon at mapanagot ang mga opisyal na lumalabag sa batas.

-- ADVERTISEMENT --