Naniniwala si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nasa Davao si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng ulat tungkol sa umano’y arrest warrant laban sa senador mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Remulla, hindi pa makakilos ang DILG dahil wala pa silang natatanggap na pormal na kopya ng nasabing warrant mula sa ICC.

Sinabi rin niya na bagama’t kapitbahay nila si Dela Rosa sa Cavite, bihira itong umuwi at kasalukuyang nasa Davao kasama ang kanyang pamilya.

Dagdag pa ni Remulla, wala silang magagawa hanggang sa magkaroon ng aktwal na warrant of arrest.

Hindi pa rin lumalabas sa publiko si Dela Rosa at hindi rin dumadalo sa mga Senate hearings at sessions mula nang ibalita ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may iniisyu na warrant ang ICC laban sa senador.

-- ADVERTISEMENT --

May hawak din umanong unofficial copy ng warrant ang Ombudsman.

Si Dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong ipinatupad ang war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay dating senador Antonio Trillanes IV, siya at apat pang dating mataas na opisyal ng pulisya ay tinaguriang suspek sa ICC probe kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa war on drugs.

Ayon sa legal counsel ni Dela Rosa, Atty. Israelito Torreon, walang legal na basehan ang gobyerno na isuko ang kanilang mamamayan sa isang international tribunal dahil sa kawalan ng malinaw na proseso.