Napabilang na ang bayan ng Allacapan sa drug-cleared municipalities sa buong bansa na idineklara ng Philippine Drug Enforcement Agency, ngayong araw.

Base sa rekord ng PNP-Allcapan, 427 tokhang responders na tinawag na “pag-asa” ang nagtapos ng rehabilitation program mula sa 27 Barangay, kung saan tanging ang Barangay Pacak ang walang impluwensiya ng illegal na droga.

Sa ginanap na seremonya, siniguro ni Mayor Harry Florida ang tuluy-tuloy na suporta ng LGU sa pulisya upang masiguro na mapanatili ang nasabing pagkilala.

Inihayag pa ng alkalde na makakatuwang ng LGU ang mga PAG-ASA members bilang mga “rescue volunteers”, kasabay ng panawagang huwag nang bumalik sa naturang bisyo.

Bukod sa alkalde, pinasalamatan rin ni Vice Mayor Yvonne Florida ang ang opisyal ng barangay at mga residente upang tuluyan ng maging malaya at mapanatiling ligtas ang kanilang lugar sa perwisyong dulot ng iligal na droga.

-- ADVERTISEMENT --

Ang bayan ng Allacapan ay ikalima sa lalawigan na idineklara ng Regional Oversight Commitee na malinis na sa usapin ng iligal na droga, sunod sa mga bayan ng Sta Teresita, Sta Praxedes, Rizal at Calayan island.

—with reports from Bombo Rose Ann Ballad